PULIS NA HUHULIHIN SA EXTORTION NANLABAN, SUGATAN

crimeshooting12

(NI JG TUMBADO)

SUGATAN ang isang aktibong pulis matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Mabalacat City Police sa ikinasang entrapment operation sa bayan ng San Fernando City, Pampanga.

Nakilala ang suspek na si Police Corporal Joeton Samson na ginamot pa ang kanyang sugat ng mismong tauhan ng PNP-IMEG sa lugar ng engkwentro.

Nabatid kay Police Col. Romeo Caramat Jr, hepe ng PNP-IMEG, nangyari ang entrapment operation sa bahagi ng Mc Arthur highway, Barangay Maimpis.

Si Samson ay nakatalaga sa Mabalacat City Police bilang jailer  sa Pampanga Police Provincial Office (PPPO).
Nakipagbarilan si Samson sa mga pulis na aaresto sa kanya matapos nitong tanggapin ang boodle money na P150,000.

Ang naturang halaga umano ay para sa suspek na pulis bilang kapalit ng sasakyang kinumpiska nito.

Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kanyang kotse subalit na korner din siya sa nabanggit na lugar.

Nagpaputok pa si Samson dahilan para gumanti ang pulisya kung saan tinamaan ito sa kaliwang balikat.

Nakuha sa suspek ang boodle money at baril nito na kanyang service firearm.

Inihahanda na ng IMEG ang kaukulang reklamong isasampa laban sa pulis.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment