PULIS NA BUMARIL SA HEPE, PATAY SA ENGKWENTRO

(NI NICK ECHEVARRIA)

PATAY sa engkwentro ang pulis na umanoy bumaril  sa kanyang hepe na si P/Lt. Col. Rex B. Lomente ng 2nd Agusan Del Sur Police Mobile Force Company (PMFC) matapos manlaban sa mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 13, Linggo ng umaga.

Nakilala ang napatay na pulis na si P/Pat. John Paul Joguino Gerida, 28, nakatalaga sa 2nd ADS PMFC, residente ng Purok 6, Brgy. Tag-anito, Claver, Surigao del Norte.

Naganap ang engkwentro bandang alas-10:35 sa Purok Consuelo, Bunawan, Agusan del Sur na nagresulta sa pagkamatay ng suspek makaraang manlaban ito sa mga tauhan ng Bunawan Municipal Police Station (MPS) at ng ADS-PMFC at mga miyembro ng 1303rd Regional Mobile Force Company (RMFC) at Regional Special Operations Group (RSOG) na tumutugis sa kanya.

Sa paunang ulat, pinaputukan umano ng suspek ang mga parating na awtoridad na aaresto sana sa kanya, kaya napilitang gumanti ng putok ang mga ito.

Si Gerida ang sinasabing bumaril sa kanyang hepe na si Lomente na nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng noo makaraang magkaroon ng pag-uusap na nauwi sa pagtatalo sa loob ng opisina ng huli nitong Biyernes ng gabi bandang alas-9:25 (Dec. 6).

Nabawi naman ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .45 pistola, isang magazine na puno ng bala.

 

Related posts

Leave a Comment