POLICE ASSET, KALIVE-IN INILIGPIT

QUEZON – Patay ang isang police asset at live-in partner nito matapos tadtarin ng bala sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Mga tama sa ulo at katawan ang ikinamatay ng mga biktimang sina John Rod Francia Maghirang alyas “Faye”, 29, residente ng Barangay Poblacion, at Lorelee Mapy Santiago, 38, residente ng Barangay Masin Sur.

Ayon sa report ng Candelaria police, naglalakad ang dalawa sa barangay road sa Brgy. Malabanban Sur, alas-8:00 ng gabi, nang harangin ang mga ito ng isang suspek at malapitang pinagbabaril.

Agad namatay ang dalawang biktima habang mabilis na tumakas ang hindi kilalang suspek.

Ayon pa sa pulisya, si Maghirang ay police asset na ginagamit ng mga awtoridad sa mga anti-illegal drug operation ng Candelaria police station.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang motibo at kung sino ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)

 

Related posts

Leave a Comment