PELIGRO NANANATILI SA TAAL

ISLA NG TAAL

NABAWASAN ang mga aktibidad ng bulkang Taal kumpara sa mga nakalipas na araw matapos ang pagsabog nito noong Linggo.

Gayunman, ibinabala ni Ma. Antonia Bornas, pinuno ng Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, na nanganganib pa rin na mangyari anomang oras ang matinding pagsabog ng bulkan. Nakataas pa rin kasi aniya ang Alert Level 4 na ang ibig sabihin ay may posibilidad ng biglaang malakas na pagsabog sa main crater ng Taal volcano.

Tinukoy ni Bornas na isa sa mga nakababahalang epekto ng bulkang Taal ay ang tinatawag na base surge o ang napakalakas na pagsabog mula sa bulkan na lilikha ng mataas na pagbuga at babagsak sa bilis na 60 hanggang 80 kilometro kada oras.

Kapag aniya nangyari ito ay wala nang pagkakataon ang mga nasa paligid ng volcano island na makatakas o makalayo.

Maliban pa rito ang posibilidad na magkaroon ng volcanic tsunami.

Umuuwi sa danger zones

Dahil sa bahagyang pananahimik ng bulkang Taal, aminado si Bornas na may mga residenteng pinipilit bumalik muna sa kani-kanilang tahanan upang alamin ang sitwasyon o kumuha ng iba pang mga naiwang ari-arian at hayop.

Gayunman, lubhang delikado ang ganitong sitwasyon dahil hindi natatantya kung ano ang susunod na magiging pagkilos ng bulkang Taal.

Humingi rin si Bornas ng panahon para makakuha at mapag-aralan ng Phivolcs ang mga datos at impormasyon patungkol sa mga aktibidad ng Taal volcano.

Samantala, inihayag ni Batangas Police Provincial Director Colonel Edwin Quilates na pinayagan ang ilang mga residente na bumalik sa kanilang bahay ngunit kailangang tumagal lang ng dalawang oras.

Kung sosobra na umano sa dalawang oras ay dadamputin na sila ng mga pulis. Kailangang magcheck-in at mag-check out ang mga residenteng sisilip ng kanilang bahay para ma-monitor ang oras ng pagpasok ng mga ito. (JG TUMBADO, JESSE KABEL)

Related posts

Leave a Comment