PARKING BOY PISAK SA SUV NA INAALALAYAN SA PARKING LOT 

(NI ANNIE PINEDA)

PISAK ang isang parking boy makaraan masagasaan ito ng sports utility vehicle na kanyang inaalalayan sa pag-park sa isang fast food chain, iniulat kaninang umaga sa Pagadian City.

Kinilala ang namatay na si Nasher Lipai Jailani, 33, ng Purok Campo Islam, Leon Kilat, San Pedro, Pagadian City.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng Montero na si Iluminada Barrozo Estabas, 62, at residente sa Santa Maria, Pagadian City.
Batay sa report ng Pagadian Police Station, dakong alas-8:10 ng umaga nang maganap ang insidente sa F.S Pajares Avenue, Santiago District, Pagadian City.
Lumabas sa imbestigasyon, minamaneho ni Estabas ang Mitsubishi Montero Sports na may plakang PGQ-568 at dumating sa fast food chain.

Paparada na sana ang suspek at inalalayan ito ng biktima pero bigla na lamang umanong naapakan nito ang gasolinador hanggang mabilis na kumaripas ang sasakyan dahilan para masagasaan ang biktima.

Kaagad naman dinala sa Mendero Hospital ang biktima para lapatan ng lunas pero nalagutan na rin ng hininga sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Hinihintay na lamang ang desisyon ng pamilya na biktima para sa pagsampa ng kaso laban sa suspek.

 

Related posts

Leave a Comment