PANGAKONG BAHAY AT LUPA NAGLAHO 4 LOLO TIMBOG SA ENTRAPMENT

kulong

KALABOSO ang apat na mga lolo, kabilang ang dating barangay chairman, sa inilatag na entrapment operation makaraang maghain ng reklamong estafa ang siyam na mga biktima, sa  fastfood restaurant sa Sta. Ana, Manila, iniulat ng pulisya kahapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (syndicated swindling/estafa) ang mga suspek na sina Alfredo Reintegrado y Dionisio , 71, dating barangay chairman sa Brgy. 891 at residente sa #2794 Old Panaderos St., Sta. Ana; Alfredo Gaiser Jr. y Bunagan, 66; Evaristo Alcantara Jr. y De Guzman, 61, at Bernie Villaruel y Panes, 60-anyos.

Inaresto ang mga suspek makaraang ireklamo ng siyam na katao hinggil sa pangakong pagkakalooban sila ng bahay at lupa makarang magpakilalang mga miyembro ng Tzu Chi Foundation Philippines.

Bawat isa sa kanila ay hiningian umano ng P650 kapalit ng pangakong bahay at lupa mula sa nasabing foundation.

Ngunit nang madiskubreng pekeng mga miyembro ng Tzi Chi Foundation ang mga suspek ay agad nagreklamo ang mga biktima sa tanggapan ni Manila Mayor Isko Moreno.

Bunsod nito, inatasan ng alkalde si P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), na arestuhin ang mga suspek.

Sa entrapment operation, sa pangunguna ni P/Capt. Edward Samonte, ay nadakip ang mga suspek makaraang tanggapin ang P3,250 marked money sa isang fastfood restaurant sa Pedro Gil St., Sta. Ana, Manila, bandang alas-10:00 ng umaga

Nabatid sa ulat ng pulisya, ang mga suspek ay mga miyembro umano ng Makataong Bahay at Buhay Incorporated (MBBI) na gamit nila sa kanilang modus na mambiktima ng mga taong nagnanais na magkaroon ng sariling bahay at lupa. (RENE CRISOSTOMO)

 

Related posts

Leave a Comment