PAGPATAY KAY EX-CONG. MENDOZA PINAGPLANUHAN SA BILIBID

Edgar Mendoza-2

SA loob ng New Bilibid Prisons nabuo ang planong itumba si dating Batangas 2nd district congressman Edgar Mendoza.

Ito ang lumitaw sa pagsisiyasat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa karumal-dumal na krimen na sinapit ng dating kongresista na ikinadamay ng kanyang driver at bodyguard kamakailan sa Tiaong, Quezon.

Ikinukonsidera na ng PNP-CIDG na sarado ang kaso ng dating mambabatas matapos madakip ang lima sa mga pangunahing suspek.

Ito ang pahayag ni PNP-CIDG Director P/Bgen. Napoleon Joel Coronel kasunod ng pagkakadakip sa mga suspek na sina  Kristine Fernandez, Madonna Palermo, Carlo Acuña, @Bakla, Erickson Balbastro; at Maria Roselle Fajardo, @ Jael Fajardo.

Idinagdag pa ni Coronel na pinaghahanap pa ang isa pang suspek na si Rodel Mercado.

Nabatid sa imbestigasyon na ang dating kliyente ni Mendoza bilang practicing lawyer na si Sherwin Sanchez ang utak sa pagpatay sa dating kongresista dahil sa awayan sa pera at iba pang legal matters.

Si Sanchez ay nakakulong sa NBP matapos mahatulan ng guilty sa kasong murder noong 2015. Si Mendoza, ang tumayong abogado ni Sanchez sa nasabing kaso.

Bukod dito, si Mendoza rin umano ang humawak sa ilang legal matters sa financial transactions ng real properties ni Sanchez.

Dahil umano sa malaking pagkakautang ni Sanchez kay Mendoza posibleng naisipan nitong huwag nang bayaran ang biktima sa halip ay umupa na lamang ng mga ‘magtatrabaho’ upang ito ay ipatumba.

Dito niya kinausap ang kapwa preso na si Arthur Fajardo, mister ng isa sa mga iprinisintang suspek at kinontrata sa halagang P100,000 para likidahin si Mendoza.

Si Fajardo ang convicted leader ng kilabot na Fajardo kidnap-for-ransom group.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakumbinsi ni Roselle na magtungo sa kanilang bahay sa Calamba City ang biktima para doon ibigay ang bayad sa pagkakautang ni Sanchez.

Pinainom umano ng pampatulog na inilagay sa kape ang mga biktima saka ibiniyahe patungong San Fernando Bridge, Brgy. San Francisco, Tiaong, Quezon kung saan sinunog ang mga ito sa loob ng sasakyan noong January 9, taong ito. (NICK ECHEVARRIA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment