P6.9-M SHABU NASABAT SA LADY COURIER

NAKUMPISKA ang mahigit isang kilo ng umano’y shabu, tinatayang P6.9 milyon ang halaga, sa isang babaeng hinihinalang courier ng ilegal na droga, makaraang ikanta ng tatlong lalaking unang natimbog sa Sta. Cruz, Manila, iniulat ng pulisya kahapon.

Unang naaresto sa buy-bust operation sina King Carl Ferrer y Darguan, alyas “Boss”, ng 471 Soler St., Binondo; John Christopher Tayao y Yumol, 32, ng 2021 Yakal St., Sta. Cruz, at Wilson Tan y Pascual, 26, ng 1326 Alvarez St., Sta. Cruz.

Ang tatlo ay natimbog sa buy-bust operation sa panulukan ng Ipil St., at Alvarez St., sa Sta. Cruz at nakumpiskahan ng 13 piraso ng sachet ng hinihinalang shabu.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ng Station Drugs Enforcement Team (SDET) ng Manila Police District- Ermita Police Station 5 at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakabase sa Manila City Hall, ay nadakip ang 28-anyos na dalagang kinilalang si Kevin Jason, ng 2022 Int. 34, G. Perfecto St., Tondo.

Dinakip si Jason dakong alas-12:00 ng tanghali noong Miyerkoles sa Dagupan St. malapit sa panulukan ng Raxabago St. sa Tondo.

Ayon kay P/SSgt. Eduardo Dolleton, nakuha sa nasabing suspek ang 1.05 kilo ng shabu na P6.9 milyon ang street value. (RENE CRISOSTOMO)

 

Related posts

Leave a Comment