P10-M SHABU GALING CITY JAIL; MAGKAKAPATID TIKLO

(NI JG TUMBADO)

NASA P10milyon halaga ng shabu ang nasabat sa apat katao, kabilang ang tatlong magkakapatid, at kanilang bayaw na pawang mga high value target sa ikinasang drug bust operation sa Cebu City, madaling araw ng Biyernes.

Magkakasabay na dinakip ang mga suspek na nakilalang sina Benerando, 27, Joven, 29 at Beverly Avistado Gemperoso at ang 29-anyos na bayaw na si Regie Logico Medina, 29, pawang mga itinuturing na bigtime drug dealer na naninirahan sa Sitio Viking, Barangay Mambaling.

Ayon kay Police Col. Roderick Mariano, Cebu Provincial Police Office (CPPO) Director, alas 12:30 ng hatinggabi nang isagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Intelligence Branch, Provincial Drug Enforcement Group at Cebu City Police, sa naturang lugar kung saan nasamsam sa mga suspek ang nasa 53 malalaking transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng halos dalawang kilo.

Batay sa report na si Benerando ang siyang itinuturing na bigtime drug dealer sa Cebu City dahil siya umano ay nakakapagdispose ng naturang ilegal na droga nang 400 gramo kada linggo sa kanilang parokyano katuwang ang kanyang dalawang kapatid.

Sa isinagawang interogasyon, inamin ni Benerando na ang mga shabu na kanyang nakukuha ay nagmumula sa isang supplier na nasa loob mismo ng Mandaue City Jail.

Ang apat ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad kung sino ang supplier ni Benerando sa loob ng nabanggit na jail facility.

 

Related posts

Leave a Comment