NAPUNDI SA ALITAN; KUYA BINARIL, PATAY KAY BUNSO

(NI ANNIE PINEDA)

PATAY ang isang kuya na opisyal ng barangay matapos pagbabarilin ng kanyang kapatid nang hamunin umano ng una ang huli ng away dahil matagal nang alitan, iniulat kaninang umaga sa lalawigan ng Isabela.

Kinilala ang namatay na si Damian Samut, 51, habang kinilala ang suspek na si Ferdie Samut, 50, magsasaka at kapwa residente ng Brgy. Dipangit, Jones, Isabela.

Batay sa report ng Jones Police Station, dakong alas 8:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, nagkaharap ang magkapatid nang maungkat ang dati nilang alitan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Para matuldukan ang kanilang sagutan, mas piniling umuwi na lamang ng batang Samut sa kanilang bahay, pero hinamon pa rin ito ng away ng matandang Samut.

Hindi pa umano nakuntento ang biktima at sinundan pa nito ang kapatid sa bahay dahilan para kunin ng suspek ang baril at pinagbabaril ang kanyang kuya na tinamaan sa mukha at dibdib na agad nitong ikinamatay.

Nakatakda naman sampahan ng kasong pagpatay ang suspek.

 

Related posts

Leave a Comment