NANGISDA MALAPIT SA SANGLEY POINT; 9 KATAO, INARESTO  

(NI SIGFRED ADSUARA)

INARESTO ng Cavite Maritime Group ang siyam katao, kabilang ang mga may-ari at kapitan ng fishing boats, mula sa Navotas City, matapos dumayong mangisda sa  dagat malapit sa Sangley Point sa Cavite City.

Kasong paglabag sa RA 19654 o Illegal Fishing ang isinampang kaso laban sa mga naaresto na sina Andrin Sabino, 64, may-ari; Joselito Estonanto, 51, Boat Captain at Alexander Ginosa, 55, Machinist, pawang sa FB Lady Donna at residente ng Brgy Tanza, Navotas City; Michael Mallari may-ari; Willy Marasigan, 48, Boat Captain at Emerito Villarin, 48, Machinist, pawang sa FBCA Herminia -B at residente ng Brgy NBBS, Navotas City; Rosario Marcelo Francisco, 67, may-ari; Nestor Francisco, 43, Boat Captain; at Warlito Dela Cruz, 40, Machinist, pawang sa FBCA Lola Queen at residente ng Market 3, Fishport, Navotas City.

Sa ulat ng Cavite Maritime Police Station, dakong alas-6:00, Sabado ng umaga, nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa tatlong fishing boats ang namataan sa dagat, may 5.08 kilometers ang layo mula sa Sangley Point sakop ng Cavite City, kung saan ipinagbabawal ang lugar para sa mga mangingisda.

Agad naman nagsagawa ng seaborne operations ang pinagsanib na puwersa ng 402nd Cavite Maritime Police Station at Cavite CPS  na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Bukod sa  tinatayang P1,600 halaga o 50 kilos na mga isda, kinumpiska rin ng Maritime police ang kanilang mga fishing boats, ang FB lady Donna, FBCA Herminia-B at FBCA Lola Queen at dinala sa Maritime Headquaters para sa imbestigasyon at safekeeping.

Related posts

Leave a Comment