NAKURYENTENG MISIS ISINALBA, MISTER PATAY 

NAKURYENTE

CAVITE – Patay ang isang 27-anyos na lalaki makaraang isalba ang nakuryente niyang asawa habang tinatanggal sa pagkakasakal ang asong nakatali sa poste ng barangay street light sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.

Kapwa isinugod sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang mag-asawang sina Joselito Cabanas Jr. at Katlin Santos, 31, kapwa residente ng Block 10-D, Lot 13, Brgy. San Andres 2, Dasmariñas City.

Gayunaman, nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas si Cabanas habang kritikal ang kalagayan ni Santos.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Gilbert Santos ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-9:00 noong Biyernes ng gabi nang humingi ng tulong  ang may-ari ng bahay na tinutuluyan ng mag-asawa dahil nasakal ang asong nakatali sa poste ng barangay street light.

Ngunit habang tinatanggal ni Santos sa pagkakasakal ang aso ay nakuryente ang biktima.

Tinangka namang saklolohan ni Cabanas ang asawa ngunit maging siya ay nakuryente rin.

Ayon kay Santos, walang nakitang nakalaylay na live wire  ngunit malakas ang ground sa poste ng ilaw.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sa loob ng poste nagmula ang kuryente at kung sino ang dapat panagutin sa insidente. (SIGFRED  ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment