NAGWALWAL NA WALANG PERA DINAMBA

BAR

MAKARAANG magpakalasing at magpakabundat ay ibinalibag sa selda ang isang probinsyanong nagpasiklab sa mga bebot ngunit wala palang  pangbayad sa ininom at kinain sa isang bar sa Caloocan City, nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Sising-alipin matapos magbuhay-hari si Patrick Pineda, 34, binata, ng 48 Barangay Kias, Baguio City nang bitbitin sa presinto matapos ireklamo sa hindi pagbabayad ng halagang P21,090 na kanyang nakonsumong pagkain at alak sa 5th Avenue Bar sa panulukan ng M.H. Del Pilar at 5th Avenue sa Caloocan City.

Alas-2:00 ng madaling-araw nang magtungo sa nasabing bar si Pineda at pinasiklaban ang guest relations officers (GROs) ng naturang bar at umorder ng mamahaling alak, maraming pulutan at pagkain.

Tuloy lang ang mala-milyonaryong pag-order ni Pineda hanggang sa sabihin ng waiter na magsasara na ang naturang establisimiyento  dakong alas-6:00 ng umaga at ibinigay sa kanya ang bill.

Sa tagpong ito ay nabuking na walang pera ang suspek kaya’t tumawag ng pulis ang manager ng bar at ipinahuli si Pineda. (ALAIN AJERO)

Related posts

Leave a Comment