MIYEMBRO NG INT’L DRUG  RING TIKLO SA P13-M SHABU

SHABU-20

CAVITE – Tinatayang mahigit P13 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa isang African national na hinihinalang miyembro ng West African drug syndicate at dalawang Filipino sa ikinasang buy-bust operation sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Nakakulong na sa Bacoor City Custodial Center ang mga suspek na sina Kingsley Osita Escobi, pansamantalang nanunuluyan sa Block 7, Lot 30, Buhay na Tubig, Imus City; Robert Benamir, ng 33 Talaba 6, Bacoor City, at Diomedes Gonzales ng Talaba 5, ng 272 Bacoor City, pawang ng lalawigan ng Cavite.

Sa ulat ng Bacoor CPS, dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa loob ng 3M’s Resto sa  Coastal Road sakop ng Brgy. Talaba 2, Bacoor City.

Nauna rito, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng Police Drug Enforcement Unit (PDEG) at Station Drug Enforcement Team (SDET), sa pamumuno ni P/Maj. Ruben Ballera Jr., hepe ng Intel/SDET ng Bacoor CPS, sa loob ng nasabing resto bar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang P13,600,000 ang street value.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment