MISIS ‘NILALANDI’; MISTER NAMARIL NG KA-TROPA

crime100

(NI SIGFRED ADSUARA)

SUGATAN ang dalawang kalalakihan nang pagbabarilin ng isang contractor dahil  “feeling” nilalandi nito ang kanyang kinakasama habang nag-iinuman sa Tanza, Cavite.

Ginagamot ngayon sa Divine Grace Medical Center ang biktimang sina Luciano Mijares , 52, may-asawa  at  Reynaldo Regalado,  31 binata, kapwa residente  ng Brgy. Santol, Tanza, Cavite, dahil sa tama ng bala sa tiyan.

Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si Antonio Onorio Jr, 41.

Sa ulat ni PSSgt Dennis Magsaysay, ng Tanza Municipal Police Station, kabilang sa inimbitahan ng suspek sa kanilang bahay sa birthday ng kanyang anak ang mga biktima kung saan nag-inuman dakong alas-9:30 Linggo ng gabi.

Sa kalagitnaan ng kanilang inuman ay napansin ng suspek na kinakausap ng dalawa ang kanyang misis na si  Alona at pakiramdam niya ay nilalandi pa ito ni Mijares.

Dahil dito,  kinompronta niya si Mijares at sa galit ay binaril nito sa tiyan bago isinunod na binaril si Regalado.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek subalit naaresto sa isinagawang follow-up operation kung saan narekober sa kanya ang isang kalibre 9mm na pistola at bala.

Sa kabila nito, iniurong ng mga biktima ang kaso sa suspek dahil hindi naman umano sila napuruhan basta’t balikatin ng suspek ang gastusin sa ospital.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment