MISIS NALASING, NI-RAPE NG MAGPINSAN 

(NI ANNIE PINEDA)

INARESTO ang magpinsan matapos umanong pagsalit-salitan gahasain ang isang misis na kanilang kalugar nang yayain ng inuman, sa Isabela.

Kinilala lamang ang mga suspek sa alyas Berto, 35, at Epoy, 28, kapwa residente ng Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Batay sa report ng pulisya, dumulog sa kanilang himpilan ang 29-anyos na misis kasama ang kanyang mister para pormal na magsampa ng kasong panggagahasa laban sa magpinsan.

Kuwento ng biktima, pauwi na siya sa kanilang bahay nang madaanan niya ang mga kalugar na nag-iinuman kasama ang mga suspek at niyaya siya ng mga ito na mag-inuman.

Dahil sa kalugar, pinagbigyan ng biktima ang mga itong makipag-inuman at makalipas ang ilang oras ay nalasing na ito kaya nagpasya na siyang umuwi.

Habang naglalakad pauwi, sinundan siya ng mga suspek at doon na siya niyakap at pinagsamantalahan ng magpinsan. Aniya, hindi na niya nagawa pang manlaban sa takot na patayin siya ng mga suspek.

Sa himpilan ng pulisya, unang itinanggi ng mga suspek ang paratang sa kanila, pero kalaunan ay inamin din at sinabing nagawa lamang nila ang kahalayan dahil sa sobrang kalasingan.

Nakatakdang sampahan ng kasong rape ang dalawang suspek.

Related posts

Leave a Comment