MINIBUS TUMAGILID; 26 SUGATAN

(NI AMIHAN SABILLO)

AGAD naisugod sa pagamutan ang nasa 26 pasahero matapos bumagsak patagilid ang sinasakyan nilang minibus sa national highway na sakop ng Sitio Sandayong, Barangay Liko, Sogod, Cebu.

Ayon kay Police Staff Sergeant Raymund Bacordo ng Sogod Police station, patungong Cebu City ang minibus na may sakay na  40 mga pasahero, kabilang ang driver nito at dalawang konduktor nang mangyari ang aksidente dakong alas 2:00 ng madaling araw ngayong Lunes.

Napag-alaman na may lima sa 26 na sugatan ang nasa malubhang kalagayan bunsod ng mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isinugod ang mga ito sa  Cebu City Hospital para malapatan ng lunas habang ang mga bahagyang nasaktan ay dinala sa Sogod District Hospital.

Sa paunang imbestigasyon, binilisan umano ng driver na si  Edgar Munez Atendido, 44, ang takbo  para mag-overtake sa isang bus sa kaniyang harap subalit nawalan umano ito ng kontrol dahilan para mawala ito sa balanse hanggang tumagilid ito nang tuluyan.

Mahaharap si Atendido sa kasong multiple physical injury at damage to property.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment