MGA PULIS SA INVESTMENT SCAM SA REGION 7, SISIBAKIN

central visayas12

(NI NICK ECHEVARRIA)

SISIBAKIN sa puwesto at kasamang kukumpiskahin ang service firearms ng sinumang pulis na mapatutunayang naglagak ng investment sa Kapa-Community Ministry International Inc., isang independent religious corporation.

Ito ang mahigpit na babala ni P/BGen. Dobold Sinas, Director ng Police regional Office (PRO) 7.

Ginawa ni Sinas ang babala makaraang mabatid ang mabilis na pagdami ng mga recruits na nag-invest sa ‘Kapa’ na umabot na sa 10,000 sa loob lamang ng tatlong linggong operasyon nito sa Cebu.

Pangunahing target umano ng ‘Kapa’ na ma-recruit ang mga police, mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP),  Bureau of Fire Protection (BFP) sa Region 7 at mga guro, kung saan ang iba umano sa mga ito ay nakapaglagak na umano ng investment.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), nangongolekta umano ang ‘Kapa’ ng investments mula sa publiko na itinatago bilang donasyon kasunod ang pangako na bibigyan sila ng 30%  na tubo ng kanilang investment sa bawat buwan.

Paliwanag ni Sinas ang mga nakokolektang pera mula sa mga recruits ng ‘Kapa’ sa Central Visayas ay ginagamit namang pambayad sa mga kliyente nito sa Mindanao.

Sinabi pa ni Sinas na itinuturing na pinaka-agresibong pyramiding schemes ang ‘Kapa’ at may malawak na operasyon sa Mindanao.

Naniniwala ang opisyal na sakaling makapagtayo ng tanggapan sa Region 7, dadalhin ng ‘Kapa’ ang kanilang magiging koleksyon sa Mindanao para ipambayad naman sa mga nabiktima  nila doon.

Nitong nakalipas na June 1, dinisarmahan ng mga tauhan ng Civil Security Unit ang dalawang guwardiya ng ‘Kapa’ sa kanilang opisina sa Sitio Hika, Poblacion, Compostela Valley, Cebu makaraang matuklasan na walang lisensiya ang mga service firearms  ng mga ito na isang shotgun at 9mm pistol.

Noong April 3 naman nang ipawalang-bisa ng SEC ang Certificate of Corporate Registration ng Kapa-Community Ministry International Inc, dahil ang pangongolekta nito ng investment mula sa kanilang mga miyembro na itinatago bilang donasyon ay walang kaugnayan sa kanilang pakay bilang religious organization at isa umanong malaking panloloko.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Sinas sa SEC kaugnay sa ipinalabas na cease and desist order nito laban sa ‘Kapa’ para magsagawa ng raid at hindi na makapang-biktima pa ang naturang establisimyento.

Related posts

Leave a Comment