MAS MALAKING PINSALA NAITALA SA 6.5 LINDOL

(NI DONDON DINOY)

MAGSAYSAY, Davao del Sur–Lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga sugatan at halaga ng pinsala matapos muling yanigin ng lindol ang lalawigan, Huwebes ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVocs), alas 9:15 ng umaga, naramdaman ang magnitude 6.5, dalawang araw matapos tumama ang magnitude 6.6 na lindol sa katulad na epicenter sa Tulunan, North Cotabato.

Base sa Phivolcs bulletin, tectonic pa rin ang pagyanig na may 2-kilometrong lalim at nasa 28 kilometro norteast ng Tulunan.

Dito sa karatig bayan, sugatan din sa noo ang 4-anyos na si John Samuel Masamloc, residente ng Brgy. Malawanit, dahil tumakbo ito palabas at nadapa sa kasagsagan ng pagyanig.

Sinabi ni Anthony Allada, tagapagsalita ng lokal na gobyerno, na posibleng lolobo pa ang bilang ng 958 pamilya na lumikas sa kanilang tahanan.

Isa sa mga nakitang problema ang paguho ng ilang istruktura sa mga evacuation center.

Domoble pa ang mga bitak sa kanilang munisipyo.

Nagkakaubusan na rin ng mga tent at trapal dahil maraming residente sa lalawigan ang nag-panic buying at piniling manirahan sa gitna ng mga palayan at ilalim ng punong mangga.

Dagdag sa problema ng mga bakwit ang malalakas na ulan sa gabi dahil sa nararanasang sama ng panahon.

Ilang parte rin ng Davao-Cotabato national highway ang binantayan ng kasundaluhan dahil may ilang mga tulay ang nakitaan ng bitak at maraming parte ng daan ang one-way dahil nasira sa walang humpay na pagyanig.

Sa Bansalan, Davao del Sur kung saan tumama ang Intensity 7, tuluyan ng pinasara ng lokal na gobyerno ang merkado publiko matapos magkabitak-bitak ang dalawang palapag na public mall.

Sa Brgy. Batasan, Makilala, patay si Barangay Kapitan Cesar Bangot matapos madaganan ng gumuhong pader ng barangay hall.

Gumuho rin ang ilang istruktura sa Makilala Medical Specialist Hospital at inaalam pa ang kalagayan ng mga pasyente sa loob.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad kung saan pa ang mga lugar na nasira ng lindol kung saan inaasahan na mas lumaki ang dulot na pinsala.

Matatandaang nagdulot na ng malaking pinsala ang magnitude 6.3 na lindol noong Oktubre 16.

 

Related posts

Leave a Comment