MARUMING TUBIG, YELO SINISILIP SA NALASON NA 40 ESTUDYANTE

(NI ROSS CORTEZ)

KONTAMINADONG tubig o yelong ginamit sa mga palamig na nainom ng mga estudyante mula grade 7, 8 at 9 ng Imus Institute Satellite School, ang sinisilip na sanhi ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka ng higit sa 40 biktima na pawang isinugod sa ospital noong Miyerkoles ng hapon.

Ngayong Biyernes ay personal na nagtungo sa Imus Institute ang team ng DoH Regional Office 4A, Provincial Health Office, Imus City Health Office at Imus PNP, para mag- imbestiga at kumuha ng mga water sample sa loob ng eskuwelahan.

Ayon kay Dr Ernesto Pablo Medina, posibleng sa nainom na mga palamig tulad ng sago gulaman, milktea, iced tea at choco drinks nakuha ng mga biktima ang gastroenteritis.
Kaya naman sumailalim sa water sample ang kanilang mga gripo, maging ang mga tubig na gamit ng kanilang mga concessionaires.

Nailayo na rin ang isyu na posibleng sa nakitang patay sa kabilang subdibisyon nanggaling ang posibleng kontaminasyon sa tubig o yelo.

Imposible raw na maging airborne ang virus na nakaapekto sa posibleng kontaminasyon, at malayo na rin daw sa water source nila ang lugar kung saan nakita ang bangkay ng nakabigting biktima.
Bigo namang makakuha ng sample ng yelo ang Provincial Health Office dahil walang tao sa bahay na pinagkukunan nito.

Mula pa nitong Huwebes ay kanselado na ang klase sa buong eskuwelahan at babalik sa normal na klase sa Lunes.
Inaasahan ding makapagpapalabas ng water sample result ang Provincial Health Office, 18-oras matapos itong isailalim sa pagsusuri.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment