MANYAK NA HOLDAPER, TIMBOG SA DENTAL CLINIC

HOLDAPER-2

CAVITE – Swak sa kulungan ang isang 43-anyos na lalaking  nagpanggap na customer ng isang dental clinic ngunit ang pakay pala ay mangholdap at tinangkang abusuhin ang isang empleyado sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Sinampahan ng kasong robbery holdup, paglabag sa RA 10591 (Gun Replica) at act of lasciviousness ang suspek na si Ruel Manibale, may-asawa, ng #0612 Norberto St., San Jose, San Miguel, Bulacan dahil sa reklamo ni alyas “Shaina”, 37, dental assistant, ng Brgy. Molino IV, Bacoor City.

Nadakip ang suspek nang sumaklolong si P/Corporal Francis Noel Cabrera, 31, nakatalaga sa District Administrative Holding Unit ng Manila Police District (MPD) at residente ng Bacoor City.

Sa ulat ni PSSgt. Edison Fetalcurin ng Bacoor City Police Station, dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon nang pumasok ang suspek at nagkunwaring magpapabunot ng ngipin sa dental clinic sa Figueroa St., Bahayang Pag-asa, Brgy. Molino IV, Bacoor City.

Nang wala nang ibang customer ay naglabas ng baril ang suspek at hinila ang biktima sa loob ng comfort room saka nagdeklara ng holdap at kinuha ang cellphone ni Shaina.

Hindi pa nasiyahan ang suspek, nilamas pa ang dibdib ng dental assistant ngunit nakahulagpos at tumakbo palabas ang biktima saka humingi ng saklolo.

Tiyempo namang napadaan sa lugar ang pulis na mabilis na umaresto sa suspek.

Nabatid na ang baril na ginamit ng suspek sa panghoholdap ay isa palang pellet gun. (SIGFRED  ADSUARA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment