MANHUNT!

(NI JESSSE KABEL)

TULUY-TULOY ang manhunt operation laban sa isang sundalo na nag-amok at nakapatay ng dalawa niyang kasamahan at ikinasugat ng lima pa sa Sitio Banisilan, Barangay Bandaraingud, Pagayawan, Lanao del Sur.

Kinilala ng Lanao del Sur PNP ang suspek na si Cpl. Nao Mohammad Lassam.

Pinagbabaril ni Lassam ang mga kasamahan na sina 1Lt Mark Linne Banua at Sgt Jhankjihan Carumba ng 55th IB, Philippine Army.

Ayon sa pulisya , blangko pa ang mga kasamahan ng suspek sa motibo nito kung bakit nagwala at namaril saka mabilis na tumakas matapos ang insidente na ikinasugat din ng limang sundalo.

Kinumpirma ni Maj. Arvin Encinas taga pagsalita ng AFP Western Command sa panayam ng Bomba na target ng manhunt operation si Lassam at hindi rin batid kung ano ang nag-udyok sa sundalo para pagbabarilin nito ang kanyang mga kasamahan.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na pinaputukan ni Lassam ang kanyang kasamahan gamit ang bitbit nitong M14 rifle habang nagsagawa ng clearing operations. Sugatan naman sina PFCs Roger Amihan, Nielo Rubiato, T/Sgt. Randy Esmade na nadala sa Amai Pakpak Medical Center ng Marawi City habang si PFCs Jovanie Calaguian at Therenz John Francisco na isinugod rin sa Iligan Hospital.

Ayon kay Maj Encinas unang ulat na ambush ang ikinamatay ng mga sundalo dahil nasa isang area lamang ng pananambang ang isang acting municipal police chief at kasama nitong sibilyan noong Lunes.

Related posts

Leave a Comment