MANHUNT OPERATION IKINASA VS ESPINO GUNMEN

(NI NICK ECHEVARRIA)

ISANG manhunt operation ang iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde laban sa mga hindi pa nakikilalang salarin na tumambang sa convoy ni dating Pangasinan  governor Amado Espino Jr. nitong Miyerkoles  ng hapon.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac,  inatasan ni Albayalde ang   Police Regional Office (PRO1) nitong Huwebes na agad maglunsad ng manhunt operations para sa mabilis na ikadarakip ng mga suspek.

Mariin ding kinondena ng PNP ang ginawang pag-atake kay Espino na dating congressman ng 5th District ng Pangasinan at sa kanyang mga bodyguards na pinagbabaril ng mga salarin bandang alas-4:30 ng hapon sa isang intersection sa Barangay Magtaking sa San Carlos City habang sakay ng Toyota Innova at isang Land Cruiser.

Sugatan si Espino at ang kanyang apat na bodyguards habang dead on the spot naman si  Patrolman Richard Esguerra  na tinambangan ng hinihinalang mahigit 10 suspek gamit ang umanoy tatlong sasakyan.

Ayon kay Provincial Information Officer Orpheus Velasco, nasa maayos nang kondisyon ngayon si Espino na nagtamo ng mga tama ng bala matapos bigyang lunas sa Blessed Family Doctors General Hospital.

Narekober naman ng mga tauhan ni Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) director, P/Col. Redrico Maranan ang dalawang sasakyan na may mga naiwan pang high-powered firearms sa loob na  ginamit na get away vehicles ng mga suspek sa pananambang.

Natagpuan ang isang kulay pulang Hyundai hatchback sa Barangay Cobol habang ang  metallic blue Ford Everest ay narekober naman sa  Barangay Pasima sa bayan ng Malasiqui.

Ayon kay Maranan, iniimbestigahan na rin ang mga kuha ng closed circuit television sa paligid ng nasabing lugar kasama ang mga nakasaksi sa insidente.

Sinabi pa ni Maranan na bumuo na rin sila ng special investigation task group  (SITG Espino) na binubuo ng mga tauhan ng  PPPO, Crime Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Office (Ilocos), Police Regional Office para pangunahan ang malalimang imbestigasyon sa insidente ng pananambang.

Binigyan na rin ng police security ang pamilya  Espino base na rin sa kahilingan ng mga ito kaugnay sa naganap na krimen.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment