MAGUINDANAO COA AUDITOR PATAY SA AMBUSH

gun 100

COTABATO City – Patay ang auditor ng Commission on Audit (COA) ng Maguindanao matapos tambangan ng hindi kilalang mga suspek habang lulan ng sasakyang minamaneho ng kanyang mister, iniulat ng pulisya nitong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Guiaria Bagundang Akmad, 60-anyos, habang ligtas ang kanyang mister na si Hadji Ali Akmad, kapwa residente ng Krislamville, Brgy. Rosary Heights 6, Cotabato City.

Batay sa report ng Maguindanao Police Station, bandang alas 11:00 ng tanghali noong Biyernes nang mangyari ang insidente sa Avelina Street, Barangay Rosary Heights 6 sa Cotabato City.

Lumabas sa imbestigasyon, sakay ang biktima sa Toyota pick-up na minamaneho ng kanyang asawa ngunit pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang hinarang ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo.

Pagkaraan ay pinagbabari ang biktima ng isa sa mga suspek na armado ng .45 kalibreng baril saka mabilis na tumakas.

Agad dinala sa Cotabato Regional and Medical Center ang biktima ngunit hindi umabot nang buhay habang nakaligtas ang kanyang mister.

Patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad para malaman ang posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. (ANNIE PINEDA)

Related posts

Leave a Comment