MAG-ASAWANG OCTOGENARIAN PATAY SA MAGNANAKAW

crime44

(NI NICK ECHEVARRIA)

NATAGPUANG naaagnas ang bangkay ng mag-asawang octogenarian  na pinatay umano ng mga magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay sa bayan ng San Jose, Camarines Sur, Miyerkoles ng tanghali.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya halos isang linggo nang patay ang mag-asawang Ely Balcueva, 83, at Nelly Balcueva, 86, nang madiskubre ang kanilang mga bangkay sa loob ng kanilang bahay sa Zone 1, Barangay Kinalasan ng nasabing  bayan.

Nabatid din na walang kasama ang mag-asawa sa kanilang bahay dahil bumukod na ang mga anak nila na may kanya-kanya nang  pamilya.

Samantala, patuloy pang inaalam ng pulisya kung sino ang mga responsable sa pagnanakaw at pagpatay sa mga biktima.

Batay sa ulat, bandang alas-12:10 ng tanghali nang madiskubre at iulat sa pulisya ang  bangkay ng mga biktima ng kanilang anak na si Emerita Balcueva Chavez, 53, matapos nitong mapag-alaman ang sinapit ng kanyang mga magulang.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar at base sa inisyal na imbestigasyon ay pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa mga ito patunay ang puwersahang pagpasok ng hindi pa kilalang mga suspek sa pamamagitan ng pagwasak ng pintuan sa likurang bahagi ng bahay.

Gulo-gulo rin ang loob ng bahay na pinaniniwalaang hinalughog ito ng hindi bababa sa dalawa o higit pang mga suspek.

Isang bag naman ang nakuha ng pulisya na pag-aari ng nasawing ginang at may laman na aabot sa P25,762 na nakakalat sa sahig ng kuwarto ng mag-asawa.

Teorya ng pulisya posibleng nagising ang mga biktima habang pinagnanakawan ng mga suspek at nanlaban umano ang mga ito habang kinukuha ang bag na naglalaman ng pera dahilan upang patayin sila ng mga magnanakaw bago nagsitakas.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan ng mga suspek.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment