MAG-AMA SA MOTORSIKLO NABANGGA; TATAY PATAY

motoraccident12

(NI SIGFRED ADSUARA)

NAKAYAKAP pa ang  ama  sa kanyang  3-anyos na anak nang nalagutan ng hininga na kapwa nakaangkas sa motorisklo nang banggain at kaladkarin ng isang Pick-up sa Dasmarinas City, Cavite.

Namatay noon din si Archie Cataluna, 34,  ng Pasong Kawayan II, Gen Trias City, Cavite habang isinugod sa ospital ang 3-anyos na anak nito na si Ragnar Cataluna at driver ng motorsiklo na si Joel Joven, 38 ng Block 104 Lot 17, Mary Chris Complex, Pascam Gen Trias City, Cavite.

Hawak naman na ng pulisya ang driver ng Nissan Navara Pick-up na si Maria Victoria Sabino, 48 ng Block 49 Lot 18 P1A, Mero Gate Silang Estate, Silang, Cavite.

Sa ulat ni PSSgt Donato Almenario, ng Dasmarinas City Police Station, kapwa angkas ang mag-amang Cataluna sa minamanehong motorsiklong Yamaha Mio ni Joven habang binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway patungo sa direksiyon ng Tagaytay City dakong alas-11:15, Martes ng gabi.

Pagsapit sa gasoline station sa Brgy Sampaloc 2, Dasmarinas City, Cavite nang tumbukin ang likurang bahagi ng sinasakyang motorsiklo ng isang Nissan Navara Pick-up na may plakang NCM 8338 na minamaneho ni Sabino na kasunod nito patungo rin sa nasabing direksiyon.

Nang mabangga, nakaladkad pa ng ilang metro ang nasabing motorsiklo kung saan agad na namatay si Archie na nasa likurang bahagi ng motorsiklo.

Masuwerte namang nakaligtas ang anak ng biktima, bagama’t bali umano ang katawan nito, ayon sa imbestigador na si Almenario.

Ayon pa kay Almenario, pawang walang mga suot na helmet ang tatlo nang naganap ang insidente.

 

Related posts

Leave a Comment