LOLO KINATAY NG KARIBAL; RELASYON BUKING SA TEXT 

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI inakala ng isang lolo na ang pagmamahal nito sa isang babae ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan makaraan katayin ito ng tricycle na driver na kasintahan ng kanyang karelasyon, iniulat kaninang umaga sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinilala ang biktimang si Marcelino Penuliar, 61, habang tugis naman ang suspek na kinilalang si James Berbon, 44, at kapwa taga Alaminos City, Pangasinan.

Batay sa report ng Alaminos Police Station, bago ang insidente, inaya pa ng suspek ang biktima na mag-inuman para maisakatuparan ang plano nitong pagpatay kay Penuliar.

Ayon sa pulisya, nabuking umano ni Berbon ang relasyon ni Penuliar sa kanyang ka-live in nang makita ang text message ng biktima na nagpadala ng pera sa karelasyon.

Dito umano nabuo sa isipan ng suspek na patayin ang biktima para matigil ang relasyon sa kanyang kalive-in.

Habang nag-iinuman, naglabas ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ng 25 beses ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan. Hindi pa ito nakuntento, kumuha pa ng malaking bato at inihampas sa ulo na naging sanhi ng agaran kamatayan ni Penuliar.

Nabatid, na matagal na umanong alam ng suspek na may relasyon ang biktima at kanyang kasintahan.

Matapos ang pamamaslang tumakas ang suspek at ngayon ay tinutugis na ng pulisya.

Related posts

Leave a Comment