LIVE-IN PARTNER TIMBOG SA INILIBING NA BABY

ARRESTED-9

(NI KIKO CUETO)

TIMBOG mag-live in partner na naglibing ng kanilang patay na anak sa mismong bakuran nila sa sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro City.

Sa report, inilibing ng mga suspek ang kanilang 9-buwang gulang na anak sa bakuran matapos mamatay ito dulot ng sakit.

Sinabi ni alyas Andres sa pulis, Hulyo 17 nang lagnatin ang kanilang bunsong anak bago bawian ng buhay kinabukasan.

“Hindi ko na naisipang humingi pa ng tulong dahil sa dami ng problema. Halos wala pa kaming makain at walang pera,” ani Andres.

Pero nang ilibing ang bata ay mababaw lang ang hukay kaya nangamoy at nagdulot nag pagbulabog sa mga kapitbahay.

Sinabi naman ng residente na si Emilio Pilapil, nagduda ang kanyang pamilya na may bangkay ng tao sa kanilang paligid kaya agad nila ito inireport sa barangay at mga pulis.

“Matindi talaga ang amoy, siguro mga dalawang linggo na namin ‘yun tiniis,” ani Pilapil.

Ayon sa pulisya, nilabag ng mag-live in partner ang Presidential Decree 856 o Code on Sanitation.

“Base sa batas, hindi pwede na kung saan na lang ilibing ang labi ng tao, kailangan na ilibing ito sa sementeryo,” ani P/MSgt. Merlita Reyes ng Carmen Police Station.

Inaalam naman ng pulis ang sinasabing record ng ama na nambububogbog umano ng kanyang mga anak tuwing nalalasing ito.

Planong isailalim ng pulis sa autopsy ang labi ng bata.

“Kung mapatunayan sa autopsy na may foul play at namatay ang bata dahil sa pambubugbog, maaaring masampahan ito ng parricide,” ani Reyes.

Planong iturn-over sa lokal na pamahalaan ang tatlo pang maliliit na anak ng mag-live in partner habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment