LALAKI TUMAGAY BAGO NAGPAKAMATAY

AKLAN – Nakipag-inuman muna ang isang lalaki sa kanyang kapitbahay saka tinapos ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti, iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Nakabitin at natagpuang wala nang buhay ng kanyang pamangkin ang biktimang hindi pinangalanan, residente ng Catmon, Altavas, Aklan.

Batay sa report ng Altavan Police Station, dakong alas-8:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima habang nakabigti sa isang malaking puno, 100 metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Kuwento ng isa sa mga anak ng biktima, alas-6:00 ng gabi nang makita niya ang ama na umalis ng kanilang bahay habang may dalang lubid.

Sinubukan niyang kunin ang lubid ngunit hindi ito ibinigay ng kanyang ama.

Pagsapit ng alas-9:00 ng gabi ay nakitang nakikipag-inuman ang biktima ngunit kinabukasan ay natagpuang nakabigti na sa malaking punongkahoy.

Naniniwala ang pamilya na totoong nagpakamatay ang biktima dahil madalas nitong sinasabing magpapatiwakal siya. (ANNIE PINEDA)

Related posts

Leave a Comment