LALAKI SA BOMB JOKE ARESTADO SA CHECKPOINT 

NI DONDON DINOY

DAVAO CITY–Inaresto ng pulisya ang isang mangingisda na nagbirong may dalang bomba at mga armas kung kaya’t hinuli sa checkpoint ng Task Force Davao sa Brgy. Sirawan, Toril, Lunes ng gabi.

Ang suspek ay kinilalang si Raymond Santosidad, 44, residente ng Gutierrez Village sa Brgy. Sirawan.

Sa imbestigasyon ng Toril Police Station, sinasabing iniinspeksyon ng TF Davao ang isang Mindanao Star Bus mula sa General Santos City, kung saan lulan ang suspek.

Sinita umano ng TF Davao ang suspek kung ano laman ng dalawang baldeng dala nito na may mga damit sa ibabaw ngunit sumagot ito na may dala siyang bomba at mga armas.

Ayon sa suspek nagbibiro lamang siya sa mga sundalo at mga pulis ngunit hindi nito alam na isa itong paglabag sa Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Joke Law).

Ngunit, mas swerte ang suspek dahil di na umano itutuloy ng mga otoridad ang kaso matapos mapag-alamang isa itong “person with disability.”

Nagpaalala na rin ang mga otoridad sa publiko na iwasang gumawa ng bomb joke dahil makapagbibigay ito ng alarma sa publiko at haharapin nila ang kaso ng Anti-Bomb Joke Law.

Sa ngayon ay mahigpit na ipinatutupad ang maraming checkpoint sa buong Davao dahil sa isang buwan na pagdiriwang ng Kadayawan sa Davao kung saan maraming aktibidad ang ginagawa sa sentrong parte ng lungsod.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment