LALAKI PATAY SA BARIL NG BFF

crimeshooting12

(NI KEVIN COLLANTES)

BINAWIAN ng buhay ang isang lalaki nang aksidenteng mabaril sa ulo ng kanyang matalik na kaibigan matapos na pumutok ang nililinis nitong baril sa loob ng kanilang silid sa Taytay, Rizal, nitong Martes.

Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Leonardo Magpusao habang arestado naman at nakapiit na ang suspek na si Donhelle Camba, ng Matalino Street, Lupang Arenda, Barangay Sta. Ana, Taytay.

Base sa inisyal na ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong-1:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng silid ng magkaibigan.

Kasalukuyan umanong natutulog ang biktima sa kanilang kama habang nakaupo naman sa kanyang tabi ang suspek at nililinis ang isang pistola nang aksidente itong pumutok at tumama sa ulo ng biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang isang pistola na may isang magazine, at isang fired cartridge, na ayon sa mga pulis, ay pagma-may-ari umano ng biktima ngunit wala itong mga kaukulang dokumento.

Ang suspek ay nakatakda nang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms sa piskalya.

Related posts

Leave a Comment