LADY ENGINEER NILOOBAN, PINATAY SA SAKSAK

(NI BONG PAULO)

BRUTAL na kamatayan ang sinapit ng isang 41-anyos na engineer matapos pagsasaksakin hanggang sa mapatay sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay Benetiz, Banga, South Cotabato, gabi nitong Lunes.Kinilala ni Banga Chief of Police, Major Joseph Forro III ang biktima na si Madelyn Rendon 41, residente ng nasabing lugar.

Nagtamo ng 15 malalaki at malalalim na saksak sa katawan si Rendon na isinugod pa sa pagamutan subalit binawian ng buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpasaklolo pa ang biktima kung saan naabutan itong duguan ng mga kapitbahay habang nakita naman ang isang tao na tumatakas, pasado alas-9:00.

Inihayag naman ni Forro na maaring hindi iisang tao lamang ang may kagagawan ng krimen.

Maaring nakapasok ang suspek sa pamamagitan ng pagsira ng grills sa bahay ng biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek sa pananaksak sa biktima.

Isa sa mga sinusundang mga suspek ay posibelng ang mga trabahador ng biktima sa kanyang hardware store matapos makatanggap ito ng pagbabanta dahil sa nagkaroon umano ng komprontasiyon sa pagitan nito at mga trabahador hinggil sa nawawalang semento sa hardware store bago pa man nangyari ang krimen.

 

Related posts

Leave a Comment