KUYA PINASLANG NI BUNSO SA AWAY-LUPA

crimeshooting

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY- Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng isang magsasaka matapos mapatay ng kanyang bunsong kapatid na lalaki sa Purok Jacinto, Barangay Coronobe, Maragusan, Compostela Valley, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na isang Marjun Lumikid Magkidong, 32, binata, habang ang suspek ay kinilala na isang Sannyboy Lumikid Magkidong, 30, pawang mga residente ng lugar.

Ayon sa ulat ng Compostela Valley Police Provincial Office, napag-alaman na rumesponde pa ang mga personahe ng Maragusan Emergency Response Team (MERT) sa Maragusan Municipal Police Station upang ipaalam ang nangyari.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nakipag-inuman ang suspek sa bahay ng kanyang tiyuhin ngunit pumunta ito sa bahay ng kanyang tiyahin kung saan kinuha nito ang isang homemade shotgun na nakalagay sa kwarto.

Ayon sa mga otoridad galit na galit na ang suspek na sumugod sa bahay ng biktima na kapatid nito at nag-huhurumentado habang sumisigaw na lumabas ito sa kanyang bahay.

Dagdag ng pulisya na hindi nagtagal ay lumabas ang nakatatandang kapatid at nilapitan ang suspek ngunit sinapak ito ng bunso sa kaliwang parte ng tiyan sabay sa pagbaril sa tuhod ni Marjun.

Pagkatapos ng krimen ay agad na umalis ang suspek papuntang Purok Mandayan kung saan sumuko kay Purok Leader Nolan Subayno sa Barangay Coronobe.

Dinala pa umano ang biktima sa Compostela Valley Provincial Hospital-Maragusan ngunit ideneklarang dead on arrival na ito.

Agad namang rumesponde ang mga otoridad sa crime scene ngunit tanging homemade shotgun na ginamit ng suspek sa pagpatay ang narekober.

Ayon sa mga otoridad away sa lupa ang naging motibo ng krimen.

Nakakulong ngayon sa Maragusan Municipal Police Station ang suspek.

 

Related posts

Leave a Comment