KARAMBOLA NG 3 SASAKYAN: 1 PATAY, 3 SUGATAN

PATAY ang isa katao at tatlo pa ang sugatan sa tatlong sasakyan na nagkarambola sa Sariaya, Quezon.

Bandang alas-10:50 ng gabi nitong Martes nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Sto. Cristo kung saan nagkarambola ang dalawang kotse at isang van.

Wasak na wasak ang dalawang kotse habang naipit naman sa kanyang sasakyan ang driver ng isa sa mga kotse.

Ayon kay Lt. Colonel William Angway Jr, Sariaya police chief, nakilala ang nasawi na si Pedro Mojica, isang retiradong government employee at residente ng Barangay Mangilag Sur, Candelaria, Quezon.

Nabatid na nag-overtake ang van na minamaneho ni Ariel Reyta sa isa pang sasakyan at tumama sa bumper ng kotse na minamaneho naman ng isang Kim Salubaybay.

Nawalan ng kontrol sa kotse si Salubaybay kaya napunta sa kabilang linya ang kotse at bumangga sa kotseng minamaneho ni Mojica.

Matinding pinsala ang natamo ni Mojica at nasawi ito habang dinadala sa Lucena United Doctors Hospital sa Lucena City.

Ayon kay Gian Pineda, isa sa mga rescuer mula sa Sariaya Disaster Risk Reduction Management Office, dinala nila si Salubaybay at dalawang kasama nito sa ospital sa Candelaria ngunit nadiskubre kalaunan na nawala ito at tumakas na.

Related posts

Leave a Comment