INTEL OFFICER NG MAUTE GROUP HULI SA PAMPASABOG

(NI CYRILL QUILO)

CAMP VICENTE LIM,Laguna- Naaresto ang suspek ng teroristang miyembro ng Maute Group na may dalang mga pampasabog at planong maghasik ng karahasan, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni CALABARZON Regional Director PBGen.Edward Carranza ang suspek na si Abdul Nazer, may mga alyas Muhajir,Muhasjir,Diya at Jafar Dia, tubong Lanao del Sur.

Sa bisa ng search warrant No.2019-31-CL na inilabas ni Hon.Dorcas Ferirols-Perez ng RTC Br. 84, ng Batangas City, ay naaresto ang suspek dahil sa paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.

Sa pagmamatyag ng pinasanib ng iba’t ibang pwersa ng militar at pulisya, nagpapanggap si Nazer na nagtitinda ng cellphone accessories sa palengke ng Batangas City public market.

Kapansin-pansin ang dala-dala niyang itim na bag na palaging nasakbit sa kanyang bewang.

Dahil sa kahina-hinalang kilos, nagsumbong ang ilang sibilyan sa kapulisan.

Kumpiskado ang 1 1/2 libras na high explosive (Olive Drab),1 M67 Fragmentation Hand Grenade na kulay berde at 1 itim na pouch.

Itinuturing si Nazer bilang intelligence officer ng Dawlah Islamiyah Lanao Maute Group sa Calabugad-Pagayawan Malabang Lanao del Sur at konektado rin sa Abu Dar at Abu Zacaria/Amir Terrorist Group.

Nananawagan si Carranza sa publiko na huwag matakot at ipagbigay-alam agad sa kinauukulan ang kanilang nalalaman kung mayroong mga taong may kahina-hinalang galaw o kilos upang maiwasan o maghasik ng  gulo ang sinumang teroristang grupo.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment