INDIAN SA KIDNAPPING CASE, INAGAW SA BJMP ESCORTS, PINATAY

crime143

(NI NILOU DEL CARMEN)

NILIKIDA ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan ang isang detainee na  Indian national habang ito ay inililipat ng kulungan sa Calamba City, Laguna, Lunes ng umaga.

Ayon sa inisyal na report ng Calamba City  police, pinagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek ang biktimang si  Joshi Tarun matapos na ito ay agawin sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magdadala sana dito patungo sa kulungan sa Los Baños alas 9:00 ng umaga.

Sakay ang biktima sa BJMP mobile car kasama ang mga BJMP personnel na sina JO3 Ernesto Adap, J01 Michael Esteves, Jo1 Dennis  Burito at    J01 Nikko Ortega  galing sa BJMP Turbina , Calamba at  patungo sa BJMP Los Baños, nang pagsapit sa diversion road sa Barangay Bucal ay harangin ang mga ito ng nasa 10 armadong suspek  na sakay ng SUV.

Hindi na umano  nakapalag ang mga BJMP personnel matapos tutukan ang mga ito ng mahahaba at matataas na kalibreng baril na gamit ng mga suspek.

Ginapos at piniringan ang mga ito at kinumander ang sasakyan patungo  sa Carmel Valley subdivision sa  Brgy. Lamesa, kung saan binaril ang biktima.

Batay sa record, si Tarun ay nakulong sa BJMP Turbina  mula pa noong May 27, 2019 dahil sa kasong serious illegal detention at kidnapping na nangyari sa Cabuyao City.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Calamba City police at inaalam ang tunay na  motibo sa krimen at ang pagkakakilalan sa mga suspek.

 

Related posts

Leave a Comment