GUN FACTORY NADISKUBRE SA MAGUINDANAO

maguindanao map12

(NI JG TUMBADO)

ISANG sinasabing gun factory at repair shop ang nadiskubre ng pulisya at militar habang nagsisilbi ng arrest warrant laban sa isang “High Value Target” (HVT) sa General SK Pendatun sa Maguindanao.

Sa Barangay Madconding natagpuan ang nasabing pagawaan ng armas sa kalagitnaan ng operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Maguindanao Provincial Police Office-Public Safety Battalion, 33rd Infantry Battalion at 2nd Mechanized Infantry Battalion.

Ayon kay Major General Cirilito Sobejana, Division Commander ng 6th Infantry Division, isang Sukarno Buka, ang sinasabing sub leader ng ISIS terror linked na Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang siyang target ng arrest warrant sa lugar.

Pero sinabi ni Sobejana na nakatakas na si Buka bago pa man makarating ang  mga awtoridad sa lugar ng operasyon kung saan sa bahay nito bumungad sa mga awtoridad ang naturang gun factory at repair shop nito.

Batay sa intel report, gumagawa si Buka ng mga baril para sa mga miyembro at opisyal ng nasabing terrorist group.

Sangkot din umano ang suspek sa illegal drug activities sa lugar.

Nasamsam ng mga awtoridad ang ilang hindi pa tapos na assemble parts mula sa iba’t ibang uri ng mga armas, equipment at mga amunisyon.

Ang pagkadiskubre sa pagawaan ng mga baril ay nakaapekto umano sa kakayahan ng BIFF na lumaban sa gobyerno.

Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya at militar kay Buka.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment