GRADE 8 STUDENT, SINAKMAL NG BUWAYA 

palawan 12

(NI NICK ECHEVARRIA)

ISANG grade 8 student ang sinagpang at tinangay ng buwaya habang naninisid sa paghuli ng isda, kasama ang kanyang tiyuhin at mga pinsan sa Balabac, Palawan, Linggo ng gabi.

Base sa report ng amain ng biktima sa Balabac Municipal Police Station (MPS) nitong Lunes ng umaga,  nakilala ang biktima na si Romilo Sappayani Miranda, 15, Grade 8 student, ng Indalawan National High School, at residente ng Bryg. Rabor sa nasabing bayan.

Base sa salaysay ni Pablo Tanain Sarmiento, tiyuhin ng biktima, magkakasama silang nanisid para manghuli ng isda kasama ang dalawa pang pinsan sa lawa ng Sitio Bual, Brgy, Indalawan noong gabi ng Linggo.

Matapos ang kanilang pagsisid, napansin ng isa sa kanyang mga pinsan na si Ismael Sarmiento ang gamit na flashlight ng biktima na nakalutang sa tubig sabay ang biglaang pagsulpot ng isang buwaya sa kanyang kanang tagiliran habang kagat sa batok ang biktima at tuluyang tinangay sa malalim na bahagi ng dagat.

Bagamat natawag ni Ismael ang pansin ng kanyang tiyuhin at mga pinsan ay wala na ring nagawa ang mga ito sa pangamba na baka pati sila ay lapain ng naturang buwaya.

Kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga tauhan ng Alabac MPS, Philippine Coast Guard, PNP Maritime Group at Barangay officials ang biktima.

 

Related posts

Leave a Comment