GINANG AKSIDENTENG NABARIL ANG SARILI, PATAY

(NI KIKO CUETO)

CALAMBA CITY, Laguna — Patay ang isang ginang nang aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng isang bahay sa Sampaguita St., Leureola Subd., Brgy. San Jose, Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Belinda Garcia Terrones, 49.

Nagsisilbi ang biktima na Admin Officer ng Calamba Upland Barangay Association at dating kagawad sa kanilang lugar sa Brgy. Kay-Anlog, Calambay City.

Sa report, nagawa pa na maisugod sa pagamutan ang biktima, pero namatay din dahil sa pinsala ng isang tama ng bala sa itaas ng kanang dibdib niya.

Nakuha naman ng mga pulis ang kalibre .38 na baril at limang bala sa sasakyan na naghatid sa biktima sa ospital.

Pagmamay-ari ni Jose Edwin Gatdula Carreon ang sasakyan at naghatid sa biktima sa ospital. Isinailalim din siya sa custodial investigation.

Sinabi ni Carreon, na nanonood siya ng telebisyon nang dumating ang biktima sa kanyang bahay na may dalang baril.

Tinanggal umano ni Carreon ang magasin ng baril pero ilang minuto lamang ang nakararaan ay may narinig na siyang putok.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung talagang accidental firing ang insidente o may foul play.

 

Related posts

Leave a Comment