GASTUSIN SA MGA BIKTIMA NG PLANE CRASH SAGOT NG LION AIR

(NI DAVE MEDINA)

TINIYAK ng Lion Air, may-ari ng medical evacuation plane na bumagsak sa resort sa Calamba City, Laguna,  na handa nilang bayaran ang gastusin sa ospital at pagpapalibing sa mga biktima ng aksidente.

Gayunman, uunahin umano nilang maibigay sa mga kaanak ang labi ng mga biktima, at mabigyan nang maayos na medical attention ang mga sugatan at nasaktan.

“So far right now, we’re managing all of the funeral expenses. The rest of the expenses…corporate will have more answers,” sabi ni Atty. Lester Ople, abogado ng Lion Air sa panayam.

Haharapin din umano ng Lion Air ang posibleng pagpapatawag ng imbestigasyon ng mga awtoridad, kagaya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sa inilabas na pahayag ng CAAP, bumagsak ang BE350 medical evacuation aircraft na may registry number RP-C2296 sa resort sa Bgy. Pansol, Calamba, Laguna

Kinilala ang mga biktima na sina Capt. esus Hernandez (piloto), First Officer Lino Cruz Jr (copilot), Dr. Garret Garcia, Kirk Eoin Badila (nars), Yamato Togawa (nars), Ryx Gil Laput, Raymond Bulacja, Tom Carr (pasyente) at asawa nitong si Emma Carr.

Umalis ng Dipolog City ang eroplano dakong 1:40 ng hapon patungo ng Maynila para sa isang medical evacuation flight para maipagamot ang lalaking pasyente pero bumagsak sa swimming resort.

Kasama sa mga biktima ang dalawang caretaker ng isang resort sa Barangay Pansol na kinilalang sina Malou Roca, 49, at anak niyang si John Ray Roca , 19.

Kasalukuyang nagpapagaling na ang mag-ina sa Calamba Doctor’s Hospital makaraang magtamo ng mga paso sa iba’t ibang parte ng katawan.

Related posts

Leave a Comment