FREE LEGAL AID SA MAHIHIRAP ISUSULONG SA KAMARA PARA TUGUNAN ANG KAKULANGAN SA ABOGADO

REP NOGRALES-2

SA wakas ay matutuldukan na rin ang patong-patong na kasong hinahawakan ng Public Attorney’s Office, na hindi magkamayaw ang mga abogado ng ahensya sa pangangasiwa ng mga kasong idinudulog sa kanila.

Ayon kay Rizal Second District Rep. Fidel Nograles, isang solusyon ay ang pagsasabatas ng free legal aid program sa mga eskwelahang nagtuturo ng batas sa bansa “upang bigyan ng libreng tulong-legal ang mga mahihirap na Pilipino.”

“Ginagarantiya ng ating Konstitusyon ang pantay-pantay na pagkakataon sa katarungan ng mga mahihirap sa pamamagitan ng libreng serbisyong legal sa mga hukuman at mga quasi-judicial body, at ang pagtitiyak na naibibigay ang sapat na tulong-legal para sa lahat, kahit na sa mahihirap,” paliwanag ng abogadong nagtapos sa Ateneo.

“Ngunit iba ang karanasan ng ating mga kababayan dahil ang mga mekanismo ng estado para magbigay ng libreng tulong-legal ay nabubulunan ng sobrang dami ng kasong idinudulog sa Public Attorney’s Office. Nasa kanila ang aking paghanga ngunit malinaw sa bilang ng kanilang kasong hinahawakan na kailangan nating maghanap ng iba pang paraan upang masiguro na sapat ang natatanggap na ayudang legal at mga abogado para sa mga mahihirap,” ayon sa Congressman na nagtapos din sa Harvard.

Ayon kay Nograles, nag-umpisang manilbihan sa mga taga-Rizal sa pamamagitan ng kanyang libreng legal aid program hindi pa man nahalal bilang kintawan, nasa 11,616,916 mahihirap na kliyente ang natulungan ng PAO noong 2017 at nasa 906,251 mga kaso ang kanilang nahawakan sa buong bansa.

“Sa bilang ng abogado ng PAO na nasa 2,000 lamang, karaniwang umaabot sa 5,794 kliyente ang kanilang inaatupag at aabot sa 458 mga kaso bawat isang abogado kada taon. Kaya maiintindihan natin kung bakit minsan ay sa ibang paraan na lamang idinadaan ng ibang kliyente ang kanilang mga kaso’t hinaing makakuha lamang ng abogado,” ayon kay Nograles.

At pataas nang pataas taon-taon ang bilang ng kanilang mga kaso, daing ni Nograles, sa kabila ng kakaunting karagdagan ng mga abogado sa kanilang hanay. Noong 2016, natulungan ng PAO ang 8,839,742 mahihirap na kliyente at 850,298 ang mga kasong kanilang hinawakan sa bansa; noong 2015, nasa 7,747,735 ang kanilang kliyente sa kabuuang 848,516 kaso.

Upang tugunan ito, inakda ni Nograles ang panukalang batas na “Legal Aid Program Act of 2019.” Kapag naisabatas, lahat ng pribado at pampublikong law school sa bansa ay magkakaroon ng kani-kanilang legal aid program batay sa isang komprehensibong national legal aid program na itatatag ng Legal Education Board (LEB) sa ilalim ng pangangasiwa ng Korte Suprema at pakikipagtulungan ng Department of Justice at ng Local Government Units, Integrated Bar of the Philippines, Philippine Association of Law Schools,  Association of Law Students in the Philippines,  Office of Legal Aid ng University of the Philippines, at iba pang mga organisasyon.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment