EX-SOLON, KASAMA SINILABAN SA KOTSE

SINUNOG

QUEZON – Patay  ang isang dating congressman ng Batangas at ang kasama nito makaraang silaban sa loob ng sasakyan sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Batay sa inisyal na report,  pasado alas-12:00 ng madaling araw nang madiskubre ng mga residente ang isang nasusunog na sasakyan sa ibabaw ng tulay sa Barangay San Francisco.

Nang maapula ang apoy makalipas ang dalawang oras, natagpuan ang dalawang sunog na bangkay na kinilala ang isa na si dating Batangas 2nd district Congressman Edgar Mendoza.

Ayon kay Maj. Lawrence Panganiban, hepe ng Tiaong  police,   nakita sa loob ng sasakyan ang mga ID na nakapangalan sa dating congressman kaya nakipag-coordinate kaagad ang mga ito sa mga awtoridad sa Batangas.

Kinumpirma naman ng mga kaanak ni Mendoza na pag-aari nito ang nasunog na kotse na isang Honda Civic  na may plate number DND 6374.

Sinusuri pa ng mga tauhan ng SOCO ang crime scene upang malaman kung ano ang posibleng ikinamatay ng mga biktima at kung ano ang dahilan ng pagkakasunog ng sasakyan.

Inaalam din kung ilan ang talagang sakay ng kotse dahil ayon kay Panganiban ay sunog na sunog  ang sasakyan at hindi na halos na makikilala ang mga sakay.

Ayon sa pamilya, umalis ang 60-anyos na dating mababatas sa kanilang tahanan sa Batangas noong Miyerkoles kasama ang driver at bodyguard nito upang dumalo sa isang meeting sa Calamba City.

Si Mendoza ay naging kinatawan ng 2nd district ng Batangas mula 1998 hanggang 2001 sa ilalim ng 11th Congress. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment