EX-COP HULI SA MURDER NG KALAGUYO SA OLONGAPO

pnpsuspect12

(NI KOI HIPOLITO)

NALAGLAG sa kamay ng mga pinagsanib na elemento ng Regional Intelligence Division (RID-NCRPO), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU-NCRPO) at ng Police Station 1 ng Olongapo City Police Station ang dating pulis na Absent without leave o (AWOL) na sinasabing suspek umano sa pagpaslang sa tiyahin ni dating world champion billiard hall of fame Efren “Bata” Reyes matapos itong matiyempuhan ng mga otoridad dakong alas-11:00 ng umaga nitong Lunes sa West Bajac, Olongapo City.

Nakilala ang suspek na si dating Patrolman Elias Gamboa, 45, na na-recruit noong 1999 ng Phillipine National Police (PNP) at dating naka-assign sa Meisic Police Station 11 ng Manila Police District (MPD) at tubong Concepcion East, Nueva Ecija at itinuturing na National Most Wanted Person at may monetary reward na P145,000.

Nadismis sa serbisyo ang suspek noong 2006.

Base sa panayam kay NCRPO Chief P/MGen. Guillermo Eleazar, inaresto ang suspek matapos itimbre ng isang confidential informant na papunta sa nasabing lugar ang suspek para bumoto.

Agad namang sinilbihan ng arrest warrant si Gamboa na inisyu ni Hon. Tita Bughao Alisuag, ng Regional Trial Court Branch 1, National Capital Region sa Maynila, para sa kasong murder na may petsang October 5, 2005 at walang inirekomendang piyansa. Pinatay umano ng suspek si Victoria Pangilinan, 60, alyas Nanay noong March 20, 2005.

Ayon sa anak ng biktima, nagkaroon umano ng relasyon ang suspek at ang biktima at madalas umanong bigyan ng pabor o tulong ni Pangilinan si Gamboa, subalit nagkaroon umano ang mga ito ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa pagtatalo at pananaksak ng 19 na beses ng suspek sa biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Simula noon ay nagtago na ang suspek sa iba’t ibang lugar at nagtrabaho bilang tricycle driver.

Nakakulong ngayon sa RSOU Custodial Facility ang suspek habang inihahanda sa korte ang kanyang kaso.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment