ENGINEER PINATAY SA VAN

crime

(NI BONG PAULO)

KIDAPAWAN CITY – Sa ospital na binawian nang buhay ang isang empleyado ng Pagalungan LGU matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa loob ng commuter van na bumabaybay sa  national highway ng Davao-Cotabato road, Barangay Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao.

Kinilala ang biktima na si Engr. Mustapha Andoy Abdullah, 45, at nakatira sa Poblacion, Pagalungan, ng nasabing lalawigan at kawani ng Municipal Planning and Development Office ng LGU.

Ayon kay Kapitan Kadjack Andoy, kapatid ng biktima, pauwi na sana sa nirerentahan nitong boarding house sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, ang kanyang kapatid sakay ng pampasaherong van nang sumabay sa pagsakay ang gunman, pasado alas 3:00 ng hapon nitong Martes.

Ayon kay Police Chief Inspector Erwin Tabora, hepe ng Datu Montawal, Maguindanao, pagdating sa nasabing barangay, nag utos ang suspek na ihinto ang sasakyan at agad itong bumaba. Dito na pinagbabaril ang biktima gamit ang caliber 45 pistol.

Mabilis namang tumakas ang suspek  lulan ng motorsiklo patungong Pikit Cotabato.

Ayon sa kapitan, nakatanggap na ng banta sa buhay ang kanilang pamilya.

Pulitika ang isa sa mga sinusundang anggulo ng pulisya sa insidente.

Related posts

Leave a Comment