ENGINEER NAHIWALAY SA PAMILYA, NAG-SUICIDE 

suicide12

(NI ANNIE PINEDA)

HINDI umano nakayanan ng isang engineer ang labis na pangungulila sa kanyang pamilya dahilan para wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti nang madestino sa lugar ng Ilagan City.

Kinilala ang biktimang Engineer Jesherwin Mataui Gutierrez, 23, ng Baguio City, nagtatrabaho sa isang construction company at nakadestino sa Naguilian, Isabela.

Batay sa report ng Naguilian Police Station, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang matagpuan sa banyo ng bahay na inuupahan sa Magsaysay ang nakabigting biktima.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, tatlong araw pa lamang simula nang dumating ang biktima sa nasabing lugar kasama ang ibang trabahador.

Kuwento ng kanyang kasamahan, nakita nilang nakaluhod ang biktima sa banyo at inakalang may ginagawa lamang ito hanggang sa napansin nila ang lubid na nakatali sa leeg ng biktima.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima pero dineklara na rin itong patay ng mga doktor.

Nabatid, bago ang insidente, kausap pa umano ng biktima sa cellphone ang kasintahan at nagsabing labis ang kanyang pagkalungkot sa pagkakalayo sa kanyang pamilya.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment