DRIVER TODAS SA TRUCK VS BUS

TRUCK VS BUS

DAVAO City – Patay ang isang 38-anyos na truck driver makaraang sumalpok sa pampasaherong bus ang minamaneho niyang sasakyan at mahulog sa ilog mula sa tulay sa Brgy. Camachiles, Matanao, Davao del Sur, noong Biyernes ng gabi,

Ayon kay Corporal Niel Arvin Babaylo, traffic police investigator ng nasabing bayan, kinilala ang biktimang namatay na si Edgardo Gascon Provido, may asawa at residente ng Kalawag 1, Isulan, Kudarat.

Isinugod naman sa Davao del Sur Provincial Hospital ang pasahero ng truck na si Alexander Fernandez, 39, may asawa, at residente sa Sultan Kudarat.

Kinilala naman ang driver ng Mindanao Star bus na mula sa Davao City, na si Allan Soriano Omboy, 46, may asawa at residente sa Makilala, North Cotabato.

Sinabi ni Babaylo, maswerteng nakaligtas sa sakuna ang 20 pasahero ng nasabing bus.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad, pumasok sa linya ng bus ang truck kaya ito nabangga at nawalan ng kontrol sa manibela si Provido kung kaya’t nahulog sa ilog na 10-metro ang lalim mula sa tulay.

Dinala na sa puneraya sa kalapit na bayan ng Bansalan, ang labi ng namatay na driver habang nasa kostudiya naman ng Matanao Police Station ang driver ng bus. (DONDON DINOY)

Related posts

Leave a Comment