DANCE SHOWDOWN, NAUWI SA RAMBOL; 1 PATAY

crime34

(NI KEVIN COLLANTES)

NAMATAY ang isang lalaki nang saksakin ng hindi kilalang suspek matapos na mauwi sa rambol ang dance showdown ng kani-kanilang grupo habang nag-iinuman sa loob ng isang resto bar sa Tanay, Rizal, Linggo ng madaling araw.

Isang tama ng saksak sa katawan ang ikinamatay ng biktimang si Eris San Juan, habang inaalam pa naman ng mga awtoridad kung sino ang nakasaksak sa kanya.

Sa imbestigasyon ng Tanay Municipal Police Station, nabatid na bago ang krimen ay masayang nag-iinuman si San Juan at  apat pa niyang kaibigan sa loob ng Barendilla Resto Bar, sa Barangay Sampaloc, Tanay, dakong alas-2:30 ng madaling araw, habang nasa kabilang mesa naman ang grupo ng suspek.

Maya-maya ay nagkahamunan umano ang dalawang grupo na magkaroon ng dance showdown.

Gayunman, sa hindi pa batid na kadahilanan ay nagkapikunan ang mga ito na nauwi sa rambol.

Namagitan at umawat naman sa dalawang grupo ang  mga tauhan ng bar at pinayuhan ang mga ito  na magsiuwi na lamang.

Habang naka-backride sa tricycle ang biktima, kasama ang kanyang mga kaibigan, upang umuwi na sana sa kanilang tahanan ay bigla na lamang umanong nahulog sa behikulo ang biktima.

Kaagad naman itong tinulungan ng kanyang mga kaibigan at dito nila natukoy na may tama pala ito ng saksak sa katawan, na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy kung sino ang dapat managot dito.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment