DALAGITA AKALA’Y ‘NANUNO’; PATAY SA ENCEPHALITIS

(NI ANNIE PINEDA)

MAAGANG binawian ng buhay ang isang dalagita matapos itong dapuan ng sakit na Japanese encephalitis na nagmula sa kagat ng lamok, sa Barangay San Vicente, Bayambang, Pangasinan.

Kinilala ang biktimang si Jasmine Prestoza, 14.

Batay sa report, nalagutan ng hininga ang biktima sa Region 1 Medical Center Dagupan makalipas ang isang linggong pagkaka-confine.

Kuwento ng kinikilalang ina ng biktima na si Madilyn Marcos, nilagnat ang anak nito at nakaranas ng pananakit ng ulo.

Sa pag-aakalang dengue, dinala niya ito sa isang clinic, subalit nag-negatibo ang dalagita.

Dahil sa probinsya, naniwala ang ginang sa mga albularyo kaya ipinatingin din niya si Jasmine, at lumabas na nakasakit daw ng “nuno” ang dalagita.

Lumala ang kondisyon ng dalagita at isinugod na ito sa naturang ospital subalit hindi na rin nailigtas pa ang buhay nito.

Sinasabing walang gamot sa Japanese encephalitis na nakukuha rin sa kagat ng lamok. Nagdudulot ito ng pamamaga ng utak, at ilan sa mga sintomas nito ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, at pagkaramdam ng pagod.

Matatandaan na nagsimulang mamigay ang Department of Health nitong Marso ng Japanese encephalitis vaccine sa mga rehiyon na may mataas na kaso ng naturang sakit,  kabilang ang mga region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region.

Kadalasan rin sa mga dinadapuan ng sakit nito ay ang mga nakatira malapit sa palayan at babuyan.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment