CRIME SCENE SA SINUNOG NA EX-SOLON, 2 PA; KABISADO NG KILLERS

SINUNOG-EX-SOLON

QUEZON – Palaisipan sa mga imbestigador kung bakit sa napakaliblib na lugar sinunog ng hindi kilalang mga suspek ang kotseng lunan si dating Batangas 2nd District Rep. Edgar Mendoza at dalawa pang kasama nito.

Ayon sa mga imbestigador, posibleng kabisado ng kung sino mang mga suspek ang naturang tulay sa ilang na lugar sa pagitan ng Barangay San Juan at Barangay San Francisco sa bayan ng Tiaong kung saan sinunog ang sasakyan na kinaroroonan ng mga biktima.

Batay sa nakuhang CCTV footage ng mga awtoridad, mula sa Punzalan highway na nag-uugnay sa bayan ng San Juan, Batangas at Tiaong, Quezon, dumaan ang kotse sa Barangay naman ng San Juan bago hatinggabi noong Miyerkoles.

Binaybay nito ang dalawang kilometrong hindi sementadong barangay road patungo sa tulay.

Inihinto ang sasakyan sa gitna ng 70 metrong habang tulay at saka sinunog.

Ayon sa naman sa mga residente ng barangay San Juan, walang pumapasok na mga sasakyan sa naturang lugar maliban sa mga nakatira roon lalo na sa ganoong dis-oras ng gabi kaya posibleng  planado umano na talagang doon dadalhin ang sasakyan at mga biktima.

Ayon pa sa mga imbestigador, batay sa pahayag ng isang lalaking nangingilaw o nangingisda sa ilog, hindi kalayuan sa tulay,  nakita umano nito ang paghinto ng kotse sa tulay at makalipas ang nasa 20 minuto ay bigla itong nagliyab.

Kasunod ang pag-alis umano ng dalawang motorsiklo na sumibad pabalik sa direksyon ng Barangay San Juan nang hindi nakabukas ang mga ilaw.

Wala din umano itong narinig na putok ng baril sa lugar bago ang pagsunog.

Natagpuan naman ang isang maleta at iba’t ibang mga dokumento, kasama ang ID ni Mendoza sa dulo ng tulay.

Ayon pa sa imbestigasyon, ang labi ng tatlong mga biktima ay pawang natagpuan sa back seat ng sasakyan kaya posibleng iba ang nagmaneho nito bago sinunog.

Ayon nman kay Antonio Vertido, medico legal officer ng National Bureau of Investigation sa Calabarzon, isinailalim na  sa DNA test ang mga bangkay para makumpirma kung ang mga ito ay si Mendoza, ang driver niyan gsi Ruel Ruiz  at bodyguard na si Nicanor Mendoza.

Nagbuo na rin ang Quezon PNP ng task force na tututok sa malaliman pang imbestigasyon sa  kaso. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment