CEBU CITY POLICE CHIEF SINIBAK SA MAYOR NAVARRO AMBUSH

cebu200

(NI JG TUMBADO)

TULUYAN nang sinibak sa pwesto bilang direktor ng Cebu City Police Office (CCPO) si Police Col. Gemma Vinluan kaugnay sa pananambang at pagpatay kay Clarin, Negros Occidental Mayor David Navarro.

Ang naturang hakbang ay iniutos mismo ng bagong talagang Police Regional Office 7 Director (Central Visayas) na si Brig. General Valeriano De Leon.

Sa kanyang pahayag, epektibo nitong Miyerkoles, Oktubre 30, 2019, ang suspensyon ni Vinluan para hindi maapektuhan o magkaroon ng white wash ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pag-ambush sa alkalde.

“I issued administrative relief of Police Colonel Gemma Vinluan, City director of Cebu City police office, to make her available in the investigation being conducted,” pahayag ni de Leon.

“It will provide a perception of impartial investigation sparing us of suspicion of possible whitewash,” dagdag pa ng opisyal.

Napatay si Navarro noong araw ng Biyernes, Oktubre 25, 2019, habang inihahatid sa City Prosecutors Office sa Cebu City sakay sa police mobile patrol  kasama ang ilang police escorts nito at maging ng dalawang nakababatang kapatid na babae.

Una nang inireklamo si Navarro ng pananakit sa isang masahista at pagpapagawa pa ng malaswang akto sa isa pang babaeng masahista sa loob ng spa noong gabi ng Huwebes.

Nasa 10 lalaki na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril ang humarang sa convoy at lumikida kay Navarro.

Posible umano na mga miyembro ng PNP ang may kagagawan sa paglikida kay Navarro dahil sa hindi umano umakto ang mga pulis, kabilang ang isang police official, sa pangyayari batay na rin sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Related posts

Leave a Comment